MANILA – Ang mga tama, pero hindi popular na desisyon ang itinuturong dahilan kaya nalagasan ng 13 porsiyento ang net satisfaction ratings ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, sa pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS).
Ito ang inihayag ni Quezon City Rep. Winston Castelo, kapartido ni Aquino sa Liberal Party (LP), kaugnay sa pagbaba ng rating ni Aquino sa 51 percent na kinalap ng SWS nitong Marso 4-7, 2011.
“This is the usual effect of good governance anchored on doing what is right and not what is popular. Manifesting political will for sound governance without thinking of public backlash is the kind of leader we need now," ayon sa kongresista.
Ngunit sa survey ng SWS, pinapaniwalaan na ang pagbagsak ng rating ni Aquino ay may kaugnayan sa pagbili nito ng mamahaling sasakyan na nataon sa panahon na nasa krisis pampinansiyal ang bansa.
Sa naturang survey, 48 percent ng mga tinanong ang nagpahayag na hindi magandang halimbawa ang ginawa ni Aquino sa pagbili ng Porsche sports car.
Pero para kay Castelo, sa halip na batikusin, dapat umanong purihin si Aquino sa pagiging transparent ng pangulo sa pagbili ng naturang sasakyan.
“Our President should be credited too for being transparent in the purchase of a luxury car. It is an issue that they could have covered but did not in name of public accountability and transparency," paliwanag niya.
Itinuturing ng kongresista na mababa o maliit lang ang nabawas sa rating ni Aquino, at normal umano ang pagbaba ng rating pagkatapos ng eleksiyon.
Nanawagan naman si Ang Kasangga party-list Rep. Teodorico Haresco, na bigyan pa ng sapat na panahon si Aquino sa pagharap sa mga problema ng bansa.
"As always, Filipinos are very impatient and they also have very high expectations. The government in terms of size is small compared to the entire population and is faced with a multitude of problems. The Chief Executive is really more action-oriented. We must give him more time and support him. We voted for him and that is like a mantle from heaven," paliwanag niya.
Una rito, minaliit din ng Malacañang nitong Lunes ang pagbagsak ng rating ni Aquino sa SWS survey, normal lang umano ito pagkalipas ng init noong nakaraang halalan.
“Natural lang yan. After the euphoria of an election, bumababa normally yung numbers ng isang leader at around this time," paliwanag ni Sec Ricky Carandang ng President Communications Development and Strategic Planning Office. - GMA News
No comments:
Post a Comment