MANILA – Iginiit ni Senate Minority leader Sen Alan Peter Cayetano na dapat suportahan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na panawagan na bawasan ang kinukubrang singil sa buwis sa mga produktong petrolyo.
Sa panayam ng media nitong Martes, sinabi ni Cayetano na may tamang komputasyon sa gagawi sa pagbawas sa singil sa buwis na hindi naman lubos na maapektuhan ang koleksiyon sa buwis ng gobyerno.
“May paraan kung paaano mababawasan ang singil sa buwis based on the computation sa crude prices, hindi naman mababawasan ang income sa tax, hindi lang lalaki ang collection, iyon ang isasakripisyo muna ng gobyerno para naman hindi na lumaki ang presyo mga petroleum product sa local market," pahayag nito.
Kailangan umano ang suporta ng pangulo sa naturang usapin para mapabilis ang pagtalakay sa anumang panukalang batas na ihahain tungkol sa gagawing pagbawas sa singil sa buwis.
Hindi umano dapat magpasilaw ang pamahalaan sa nakubrang P 4.4 bilyon mula sa VAT sa produktong petrolyo dahil may epekto rin ito sa gastusin ng gobyerno kung patuloy din ang pagtaas ng presyo ng ibang bilihin dulot ng domino effect ng oil price increase.
“For example ang gobyerno bumibili rin ng semento, ng bakal sa mga public works projects, lalaki rin ang gastos niyan. Ang mga government vehicle, ginagastusan din ng gas iyan. Kaya kahit malaki ang kinikita sa tax sa oil, may epekto rin at mas malaki ang nawawala sa atin ‘pag tumataas ang presyo ang ibang produkto," paliwanag pa niya.
Nitong Martes, nilagdaan ni Aquino ang Executive Order No. 32 na naglalaan ng P450 milyong fuel subsidy sa mga pampublikong jeepney at tricycle.
Ang naturang subsidiyo ay bahagi umano ng ‘Pantawid Pasada" program ng pamahalaan, ayon kay Communications Secretary Ricky Carandang.
“The goal is to ease some of the pressure on the drivers and operators so they can pass on the savings to passengers," aniya.
Pero puna ni Cayetano, kahit pansamantalang masuportahan ang mga drayber ng jeepney at tricycle, hindi naman mapipigilan ng EO No. 32 ang epekto nito sa iba pang gumagamit ng produktong petrolyo na magiging dahilan ng pagtaas ng presyo ng ibang bilihin.
“Ang sabi nila temporary ang pagtaas ng presyo ng langis dahil sa crisis sa Middle East…ang problema ‘pag natapos ang crisis at bumaba ang halaga ng langis, ang gasolina lamang ang bababa ang presyo pero ang presyo ng tinapay, ang presyo ng isda, ang presyo ng tuition fee, at iba hindi na," pahayag ng senador.
“So it is an urgent matter that the President address the rising prices and it cannot effectively address without addressing the oil prices hike and the easiest way to do this is to give up some of the revenues," dagdag ng lider ng minorya.
No comments:
Post a Comment